MANILA, Philippines - Umaabot na sa 332 katao ang bilang ng namatay sa mahigit tatlong libong vehicular accident sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa unang quarter ng taong kasalukuyan.
Sa panayam, sinabi ni PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) Spokesman P/Sr. Supt. Edwin Butacan, overspeeding o kaskaserong mga driver ng mga behikulo ang karaniwan ng sanhi ng mga vehicular accidents sa lansangan.
Pangalawa rito ang ‘bad overtaking’, pangatlo ang mali o biglaang U-turn na pawang ‘human error’, pang-apat ang nakainom habang nagmamaneho, na sinusundan naman ng pagte-text na hawak ang manibela at iba pa.
Naitala naman, ayon pa kay Butacan sa 1,590 ang mga sugatan na may posibilidad na tataas pa dahilan hindi pa rito kabilang ang ilang mga insidente partikular na ang aksidente noong Biyernes trese ng Mayo na kumitil sa buhay ni UP professor at veteran journalist Lourdes “Chit” Estella Simbulan sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Lumilitaw naman na mga pribadong behikulo ang may pinakamalaking bilang ng mga nasasangkot sa aksidente kasunod ang mga pampasaherong bus at mga motorsiklo.
Sa kasalukuyan ay patuloy naman ang crackdown ng mga awtoridad sa mga kaskaserong bus driver bunsod ng nangyaring insidente sa pagkamatay ni Simbulan.
Naniniwala naman ang PNP-HPG na magsisilbing ‘wakeup call’ sa mga motorista at mga ahensya ng pamahalaan ang pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa lansangan para isagawa ang kaulang pag-iingat at sundin ang batas-trapiko.