Holdaper bulagta sa shootout

MANILA, Philippines - Napatay ng mga ta­uhan ng Manila Police District ang isa sa dalawang holdaper na na­aktuhang nanghoholdap ng mga pasahero ng dyip nang manlaban ito habang nakatakas naman ang isa sa Sta. Cruz, Maynila, ka­hapon ng madaling-araw.

Inilarawan ang na­sa­wing suspect sa edad na 30-35, may taas na 5’3 talampakan, kayumanggi at katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na long sleeves, may tattoo sa dibdib na “Ricky, Lot & Boy” habang sa likod nito ay nakatatak ang mga pangalang “Marlon, Ramon, Wilson Chua, Melchor, Boyet, Norma Bautista”.

Ayon sa ulat, dakong alas-3:45 ng ma­daling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Bambang at Oro­quieta Sts. sa Sta. Cruz.

Isa sa pasahero na kinilalang si John Jayvee Garcia, ang nag­sabing tinutukan siya ng baril ng isa sa suspect bago nagdeklara ng holdap at nilimas ang mga pera, cellphone at mga kagamitan ng lahat ng pasahero, bago nagta­lunan mula sa dyip ang 2 suspect.

Ang pagsigaw ng ilang pasahero ang nakatawag pansin naman sa grupo ng mga nagpapatrulyang pulis. Hinabol ang mga tumatakas na suspect na unang nagpaputok kaya naman na­pilitan ang mga parak na gantihan ang mga ito ng putok na ikinamatay ng isa sa mga suspect. Isa sa suspect naman ang nakatakas dala ang mga gamit at pera na kinulimbat.

Show comments