MANILA, Philippines - Pinagbigyan ng QC Court ang kahilingan ng jail warden ng Quezon City na mailipat ang lahat ng akusado sa Evangelista carnap-slay sa Metro Manila District Jail, sa Camp Bagong Diwa, Taguig City dahil sa matinding banta sa seguridad ng QC Jail (QCJ) sa pananatili rito ng mga akusadong sina Raymond at Roger S. Dominguez at Jason N. Miranda.
Matatandaan na noong nakaraang buwan, sa bisa na rin ng kautusan ng hukuman, inilipat ang hinihinalang mga carjack gang leaders at member mula sa Camp Crame patungo sa QCJ dahil hindi naman umano regular na piitan ang pasilidad ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
“Acting on the letter of the jail warden of Quezon City dated May 4, 2011, requesting for the transfer of all the accused to the Metro Manila District Jail, Camp Bagong Diwa, Taguig City…” ani QC Regional Trial Court (QC RTC) Branch 215 Judge Ma. Luisa C. Quijano-Padilla na inilabas kamakailan.
Samantala, hindi naman pinagbigyan ang mosyon ni Alfred Mendiola na agaran nang magpalabas ng desisyon ang korte sa inihaing “petition to discharge” ng nasabing akusado at ng prosekusyon nang hindi na dumadaan sa pagdinig.
Itinakda ang pagdinig para sa petisyon ni Mendiola sa darating na Lunes, Mayo 23, dakong alas-2 ng hapon sa sala ni Judge Quijano-Padilla sa QC Hall of Justice Annex sa QC Hall Complex.
Ang nasabing mga akusado ay suspect sa pagpaslang sa car dealer na si Venson Evangelista na naganap noong Enero, 2011.