MANILA, Philippines - Nagsampa na ng kaso ang Quezon City Police District laban sa driver ng bus na nakabangga sa taxi na sinasakyan ng veteran journalist at UP professor na si Lourdes “Chit” Estella-Simbulan na ikinamatay nito sa may Commonwealth Ave. sa Quezon City.
Ayon kay Supt. Arnold Santiago, hepe ng Traffic Enforcement Unit ng QCPD, sinampahan na nila ng kaso ang driver na si Daniel Espinosa, 39, ang driver ng Universal Guiding Star bus sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Kasong reckless imprudence resulting in homicide, gayundin ang abandonment of the victim na may hatol na 12-taong pagkakabilanggo ang posibleng harapin ng nasabing driver.
Samantala, bumuo naman si QCPD director Chief Supt. George Regis ng tracker team sa pangunguna ng Criminal Investigation and Detection, at District Anti-Carnapping Unit para sa pagtugis kay Espinosa.
Kabilang din dito ang Highway Patrol Group at ang Metro Manila Development Authority, sabi pa ni Regis.
Nag-ugat ang pagtugis kay Espinosa nang magtago ito matapos na mabangga ng minamanehong Universal Guiding Star bus ang taxi ni Simbulan noong Biyernes ng alas-6 ng gabi sa may Commonwealth Ave.
Nasawi si Simbulan habang isinusugod sa Malvar General Hospital bunga ng matinding pinsala sa ulo dahil sa pagkakayupi ng kanyang sinasakyang taxi.
Sinabi ng pulisya na dalawang bus ang sangkot sa matinding banggaan at ang bus ni Espinosa ang pangalawang nakabangga sa taxi na sinasakyan ni Simbulan.
Bago bumangga ang bus ni Espinosa sa taxi, isa pang hindi natukoy na bus ang bumundol sa huli at tumakas din.
Posible umanong nagkakarerahan ang dalawang bus para magsakay ng pasahero sa Technohub loading bay, kung saan patungo si Simbulan.