27 carnapping/hijacking gang nalansag
MANILA, Philippines - Umaabot sa 27 carnapping /hijacking gang ang nalansag ng PNP-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa serye ng operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa partikular na sa Metro Manila.
Ito ang inihayag kahapon ni PNP-HPG Director P/Chief Supt. Leonardo Espina sa pagdaraos ng ika-56 taong anibersaryo ng tanggapan.
Tinukoy ni Espina na kabilang sa mga nalansag na notoryus na carnapping gang ay ang Dominguez gang na pinamumunuan ng magkapatid na Raymund at Roger Dominguez.
Ang Dominguez brothers ang itinuturong mastermind sa pagdukot at pagsunog sa bangkay ng dalawang car dealers na sina Venzon Evangelista at Emerson Lozano gayundin sa driver ng huli na si Hernani Sensil noong Enero ng taong ito.
Ang iba pa ay ang Madrigal gang, Onad group, Bundol gang at Waray-Waray gang na ikinasawi ng sampu sa mga elementong kriminal sa unang bahagi ng taong ito.
Nakarekober din ang PNP-HPG operatives ng 28 mga armas habang nasa 60 suspect naman ang nasakote na nasampahan ng 57 kaso kabilang ang illegal possession of firearms.
Iniulat din ni Espina ang pagbaba ng insidente ng carnapping sa unang bahagi ng taon ng 56.26% kumpara sa naitalang bilang noong nakalipas na taon habang umakyat naman sa 111.81% ang rekord sa mga nabawing nakaw na behikulo.
- Latest
- Trending