MANILA, Philippines - Isang miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) ang nasawi makaraang pagbabarilin ng nag-iisang salarin habang naglalaro ng computer games sa loob mismo ng kanyang bahay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Kinilala ang nasawi na si PO1 Elias Baladji, 35, ng Maguindanao St., Salam Mosque Compound sa nabanggit na lungsod. Si Baladji ay binawian ng buhay sa East Avenue Medical Center sanhi ng isang tama ng bala sa kaliwang tagiliran ganap na alas-5:15 ng madaling-araw.
Natukoy naman ang suspect na si Puyong Abduhadi, 32, tubong Zamboanga at pansamantalang naninirahan sa bahay ng kapatid nito sa Salam Mosque Compound Brgy. Culiat, dito.
Naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa sari-sari store na pagmamay-ari ng biktima.
Kasalukuyan umanong naglalaro ng computer games ang biktima katabi ang kanyang mga anak nang dumating ang suspect at nagpanggap na bibili. Nang makita ng suspect ang biktima ay biglang naglabas ito ng kalibre 45 baril at pinaputukan ang huli saka mabilis na tumakas.
Samantala, ilang minuto matapos ang pamamaril kay Baladji ay sinugod umano ng kapatid ng biktima na si PO3 Julasri Baladji at pinaulanan ng bala ng M-16 rifle ang bahay naman ng kapatid ng suspect na si PO3 Arsad Abduhadi.
Sugatan sa naturang pamamaril ang mga biktimang sina Yaer Batud na nagtamo ng tama sa tuhod at Boy Caaluag na tinamaan naman sa kamay.
Narekober ng mga awtoridad sa bahay ng mga Abduhadi ang 16 na basyo ng bala ng M-16 rifle.
Kaugnay nito, sa pangambang dumanak ng dugo sa pagitan ng dalawang nabanggit na pamilya, napasugod kahapon ang mga opisyal ng QCPD sa lugar at nagsagawa ng isang diyalogo sa pagitan ng dalawang pamilya.
Pinayuhan ang dalawang pamilya na huwag ilagay sa sariling kamay ang batas at hayaang sila ang magresolba ng nasabing problema.
Sinasabing nag-ugat ang away sa pagitan ng dalawang pamilya nang pagbintangan ng kampo ng mga Baladji ang pamilya Abduhadi na bumaril sa kanilang pamangkin na si Awong Esong nito lamang Abril.