P.1M sa ulo ng bus driver

MANILA, Philippines - Naglaan ng P.1 milyong pabuya ang Metropolitan Manila Development Authority­ (MMDA) para sa sinumang magbibigay ng impormasyon upang madakip ang bus driver na nakabangga at nakapatay sa beteranong mamamahayag na si Lourdes “Chit” Estella Simbulan, noong Biyernes sa Quezon City.

Patuloy pa ring pinaghahanap ng pulisya ang tumakas na si Daniel Espinosa, bus driver ng Universal Guiding Star Bus Line (UVC-343) na sinasabing bumangga sa taksing Abu Addey (THX532) na sinasakyan ni Simbulan.

Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na nakikipagtulungan na sa kanila ang may-ari ng bus company na si Madeline Guillermo upang matunton ang pinagtataguan nito.

Nabatid naman na isa pang bus ang sangkot sa naturang aksidente na siya ngayong target ng mga awtoridad upang makilala kung anong uri ng bus at sino ang tsuper nito.

Sinabi ng MMDA na sadyang may mga driver ng bus na hirap silang patinuin na patuloy na lumalabag sa itinakda nilang 60kph maximum speed limit sa Commonwealth Avenue na tinaguriang “killer highway” dahil sa dami ng aksidenteng nagaganap.

Lumikha naman ang naturang aksidente sa muling pagbatikos ng mambabatas na si Rep. Ben Evardone sa ipinatutupad na sistemang komisyon sa pasuweldo sa mga bus driver na siyang dahilan para maging kaskasero ang mga ito sa pag-uunahan na makasakay ng mas maraming pasahero at mas ma­raming biyahe.

Si Estella-Simbulan ay dating pro­fessor sa University of the Philippines at dating editor ng tabloid na Pinoy Times at dating managing editor ng Manila Times.

Show comments