UP student na pumatay ng pusa, hinatulan
Manila, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon simula nang malikha ang Animal Welfare Act, isang university student na pumatay ng pusa ang nasentensyahan sa ilalim ng naturang batas.
Sinabi ni Anna Cabrera, Executive Director ng Philippine Animal Welfare Society, 2009 pa nila kinasuhan ang noo’y 2nd year student ng University of the Philippines (UP) pero ngayon lamang naaksiyunan ang kaso.
Nang isagawa ang pagbasa ng sakdal sa Quezon City MTC Branch 40, agad naghain ng guilty plea ang akusadong si Joseph Carlo Candare makaraang aminin nito sa kanyang blog na hindi nito alam kung bakit galit siya sa mga pusa.
Ayon kay Cabrera, bagama’t P2,000 multa at dalawang buwang community service lamang ang hatol sa estudyante matapos ang pag-amin nito, isa anya itong panawagan sa lahat ng tao na hindi dapat maging marahas sa mga alagang hayop.
Simula ngayon ay magsisilbi si Candare sa Animal Shelter ng Animal Welfare Society at aalagaan ang 255 na mga na-rescue na pusa upang mabigyan ng leksiyon kung paano alagaan ang naturang mga hayop.
- Latest
- Trending