Veteran journalist patay sa aksidente

Manila, Philippines - Nasawi ang veteran journalist at UP professor na si Lourdes “Chit” Simbulan makaraang araruhin ng isang pampasaherong bus ang sinasakyan nitong taxi sa kahabaan ng Commonwealth sa Quezon City noong naka­lipas na Biyernes ng gabi.

Ayon sa ulat, si Simbulan ay lulan ng Abu Addey taxi (THX-532) nang banggain ng rumaragasang Universal Guiding Star Bus Line dakong alas-6 ng gabi sa tapat ng UP-Ayala Techno-Hub. Dahil sa matinding impact ay grabeng pinsala sa katawan ang tinamo ni Simbulan na agad nitong ikinamatay. 

Kaugnay nito, sinuspinde ng 30 araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operasyon ng UGSBL.

Sinabi ni LTFRB Board Member Manuel Iway, bukod sa 30-day suspension padadalhan din nila ng “Show Cause Order” ang may-ari ng naturang bus upang papagpaliwanagin kung bakit hindi maaaring makansela ang prangkisa nito kaugnay ng naganap na aksidente.

Binigyang diin ni Iway na bukod dito ay isasalang din sa written at actual driving seminars ang lahat ng driver ng UGSBL sa University of the Philipines-National Center for Transportation Studies (UP-NCTS) bukod sa drug testing at medical check-up.

Isasailalim din anya sa road worthiness inspections ang lahat ng bus ng naturang bus company sa Land Transportation Office upang matiyak kung ligtas pang sakyan ang sasakyan ng mga ito.

Una rito, sinabi ni Madeline Guillermo, may-ari ng bus company na patuloy nilang pinaghahanap ang driver nilang si Daniel Espinosa upang papanagutin sa insidente.

Si Simbulan ay naging managing editor ng Manila Times at editor ng Pinoy Times.

Dahil din dito, kinalampag ng Malacañang ang MMDA at DOTC laban sa mga abusadong driver ng bus.

Inihayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na dapat lamang magkaroon ng crackdown laban sa mga abusadong driver.

Matatandaan na dahil tina­guriang “killer avenue” ang Commonwealth ay ipinatupad dito ang maximum speed limit na 60 kph pero marami pa rin ang hindi sumusunod dito.   

Kasabay nito, nagpahatid ng pakikiramay ang Malacañang sa pamamagitan ni Valte sa pamilya ng nasawing si Simbulan.

Show comments