P200,000 pabuya vs killer ng pulis, inilabas
MANILA, Philippines - Naglaan ng P200,000 pabuya ang pamahalaang lungsod ng Parañaque sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para makilala at madakip ang salaring bumaril at nakapatay sa isang miyembro ng Parañaque City Police na nagsagawa ng clearing operations sa mga illegal vendors sa Baclaran noong Miyerkules ng gabi.
Sinabi ni Parañaque City Mayor Florencio Bernabe na ang pagpapalabas ng naturang reward money ay upang mapabilis ang pagresolba sa kasong pagpatay kay PO3 Maphilindo Prades, 47, miyembro ng Special Operations Group ng Parañaque Police.
Si Prades ay binaril at napatay dakong alas-10 ng gabi ng Miyerkules matapos ang ginawang pagtataboy sa mga illegal vendors sa Redemptorist Road sa Baclaran. Agad na tumakas ang salarin lulan ng isang motorsiklo.
Kaugnay nito, agad namang sinibak ni Sr. Supt. Nestor Pastoral, hepe ng Parañaque police, si Sr. Insp. Abraham Gabuna, hepe ng Police Community Precinct 1 na siyang nakakasakop sa lugar dahil sa command responsibility.
Nagbabala naman si Bernabe sa mga illegal vendors sa lungsod na mas lalo pang paiigtingin ang clearing operations sa iligal nilang pagtitinda sanhi ng matinding trapik sa Baclaran matapos ang naganap na pamamaslang sa naturang pulis.
- Latest
- Trending