MANILA, Philippines - Nadakip na kahapon ng mga tauhan ng Manila Police ang isang jeepney driver na bumaril at nakapatay sa kapwa niya driver sa Taft Avenue, kamakalawa ng hapon. Natunton sa kanyang pinagkutaan sa Teresa, Rizal ang suspect na si Allan Bernales, 26, dakong alas-9 ng umaga.
Nabaril at napatay nito ang kapwa niya jeepney driver na si Jerick Saraoso,19, ng Sandico St.,Tondo, Maynila. Sinabi ng suspect na tatlong beses na siyang kinursunada ng biktima. Noong Oktubre 2010 nang bigla umano siyang sapakin ng biktima sa pilahan ng jeep, sa tapat ng simbahan sa Binondo, Maynila. Nasundan ng panununtok at huli noong Huwebes lamang nang sundutin umano siya ng bakal na tubo ng biktima sa tagiliran.
Sa sobrang pagkapikon umano niya ay umuwi siya ng tinutuluyang bahay at kumuha ng sumpak hanggang sa makita niya sa kalye ang biktima. Doon nagsimula ang habulan ng kanilang dyip at nang sumapit sa Taft Avenue ay doon na sila nagpang-abot. Inihahanda na ang kasong homicide laban sa suspect.