Manila, Philippines - Sumuko na kahapon kay Southern Police District Director, Chief Supt. Jose Arnel delos Santos ang tatlong pulis-Makati na sina P/Chief Insp. Angelo Germinal, PO3 Robert Rinion at PO1 Nicolas Apostol Jr. dakong alas-2 ng hapon, itinuturong bumaril at nakapatay sa isang 13-anyos na basurero makaraan ang tatlong araw na pagtatago.
Kasama ng mga suspek ang kanilang mga abogado sa pagsuko. Ipinag-utos naman ni Delos Santos na isailalim sila sa restrictive custody sa SPD holding center habang hinaharap ng mga ito ang kasong murder na isinampa sa kanila sa Makati City Regional Trial Court.
Bukod sa kasong kriminal, nahaharap din ngayon ang tatlong pulis sa kasong administratibo habang nakatakdang umpisahan na ang summary dismissal proceedings laban sa kanila. Sa maigsing pahayag ni Germinal, itinuturong siya umanong nakabaril sa biktimang si Christian Serrano, sinabi nito na sa tamang “forum” na lamang sila magbibigay ng kanilang pahayag ukol sa insidente.
Matatandaan na naghahanap ng makakalakal na basura si Serrano kasama ang dalawang kabarkada sa isang abandonadong gusali sa Kamagong St., Makati nang sitahin at paputukan ng tatlong pulis na bumaba sa isang patrol vehicle.