Manila, Philippines - Patay ang dalawa katao habang apat pa ang malubhang nasugatan matapos na pagbabarilin ang mga ito ng riding team tandem kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Dead-on-arrival sa Far Eastern University (FEU) Hospital ang mga biktimang sina Leonillo Antonio, 33; at Chat Julius, 21, sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa kani-kanilang katawan buhat sa isang caliber 22 pistol.
Ginagamot din sa naturang pagamutan ang apat pang biktima na sina Joseph del Miquez, 27; Jerbie Molina, 23; Arjay Octobre, 20; at Alvin Cablan, 22.
Nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga kagawad ng Caloocan City Police laban sa dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek.
Base sa nakalap na impormasyon, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa harapan ng bahay ng biktimang si Molina na matatagpuan sa Saint Jorge St., Sacred Heart Village, Brgy. 179, ng nabanggit na siyudad.
Nabatid na kasalukuyang nag-iinuman ang mga biktima sa naturang lugar nang dumating ang dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo at kapwa armado ng baril.
Pagkababa ng mga suspek sa kanilang motorsiklo ay walang sabi-sabing pinaputukan ng mga ito ang mga nabiglang biktima na abala sa kanilang pag-inom. Matapos ang insidente ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa hindi natukoy na direksiyon sakay ng isang motorsiklo habang isinugod naman ang mga biktima sa nabanggit na pagamutan ngunit hindi na umabot pang buhay sina Antonio at Julius.
Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na nagsasagawa ng follow-up investigation ang mga awtoridad sa insidente para mabatid na rin kung ano ang motibo sa isinagawang pamamaril.