Manila, Philippines - Patay ang isang miyembro ng Parañaque City Police makaraang barilin sa batok ng isang hindi pa nakikilalang salarin habang nagsasagawa ito ng “clearing operations” sa mga illegal vendors sa Baclaran, kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang nasawi na si PO3 Maphilindo Prades, 47, nakatalaga sa Special Operations Group (SOG) ng Parañaque City Police at naninirahan sa Malagasang Anabu II, Cavite.
Nabatid na nagtamo ito ng tama ng bala sa batok na tumagos sa kanyang noo.
Sa ulat ng Parañaque police, nagsagawa ng “clearing operations” sa kahabaan ng Redemptorist Road sa Brgy. Baclaran ang pulisya na pinangunahan mismo ng kanilang hepe na si Sr. Supt. Nestor Pastoral makaraang okupahin muli ng mga vendor ang mga bangketa.
Nang maitaboy ang mga vendors pasado alas-7 ng gabi, nauna na umanong umalis si Pastoral at ibang mga pulis subalit naiwan pa si Prades upang matiyak na hindi na magbabalikan pa ang mga vendors. Dito na umano biglang binaril ng hindi nakikilalang suspect ang pulis sa batok bago umangkas sa naghihintay na motorsiklo at mabilis na tumakas.
Isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ukol dito.