MANILA, Philippines - Inaresto ng mga elemento ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang Filipino-Chinese trader kasunod ng pagkakasamsam sa P10-M halaga ng mga pekeng produktong Lacoste sa magkakahiwalay na raid sa lungsod ng Parañaque at Pasay , ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Samuel Pagdilao, aabot sa 22,000 piraso ng mga pekeng Lacoste shirts ang nakumpiska ng mga operatiba ng NCR-CIDG.
Bandang alas-11:30 ng umaga nang salakayin ang unang palapag ng Terminal Plaza Mall sa Baclaran, Parañaque at stockroom nito sa ikatlong palapag ng Unit 304 na matatagpuan sa #215 F. Angeles St., Pasay City.
Arestado naman sa operasyon si Susan Ong, may-ari ng nasabing mga establisimento at nasa likod ng pagbebenta ng mga pekeng Lacoste shirts.
Isinagawa ang raid sa bisa ng search warrant na inisyu ni Judge Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta ng Regional Trial Court Branch 7 sa lungsod ng Maynila.