4 patay sa 2 aksidente
MANILA, Philippines - Apat katao ang iniulat na nasawi sa dalawang aksidenteng naganap sa Las Piñas City at Quezon City kahapon.
Sa Las Piñas, dalawa ang namatay makaraang mabangga ng isang rumaragasang SUV ang isang babaeng tumatawid sa kalsada at saka sumalpok sa isang konkretong poste na ikinasawi ng driver nito, kahapon ng umaga sa Las Piñas City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Diosdado Liwanag, 53, driver ng Isuzu Hi-Lander (WFP-571) at si Jovy Morales, 43, ng Pamplona ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng umaga sa kahabaan ng Alabang-Zapote Road, sa tapat ng Borden Compound sa Brgy. Pamplona I habang minamaneho ni Liwanag ang kanyang sasakyan at binabagtas ang naturang kalsada nang mabangga ang tumatawid na si Morales.
Nawalan naman ng kontrol sa manibela si Liwanag sanhi upang diretsong bumangga ito sa isang konkretong poste. Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nawasak ang harapan ng sasakyan habang sumalpok naman ang ulo ni Liwanag sa dashboard ng kotse.
Samantala, sa Quezon City, isang lalake at isang babae na hinihinalang mga teenager ang nasawi makaraang mabiktima ng hit and run sa Novaliches kahapon ng madaling-araw.
Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan sa dalawang biktima na tinatayang nasa edad na 17 hanggang 18 anyos.
Sinasabing naabutan na lang ng mga awtoridad ang dalawa matapos matanggap ang impormasyon mula sa isang concerned citizen habang nakahandusay at wala ng buhay sa may Belfast St., Pasong Putik Village, Novaliches ganap na alas-3 ng madaling -araw.
Sa paunang imbestigasyon, lumilitaw na pasado alas-2:15 ng madaling-araw nang mangyari ang aksidente kung saan sinasabing sakay ng kanilang motorsiklo (UI-4056) ang mga biktima nang mabundol umano ito ng di mabatid na sasakyan at takasan.
Nakasuot ng itim na t-shirt at maong na pantalon ang lalaking biktima habang stripes na t-shirt at leggings naman ang suot ng babaeng biktima.
Ang bangkay ng mga biktima ay nakalagak ngayon sa Prime Funeral Parlor sa Commonwealth Avenue para sa kaukulang disposisyon.
- Latest
- Trending