MANILA, Philippines - Itinuturo ang isang miyembro ng Makati City Police na siyang namaril at nakapatay sa isang 13-anyos na totoy na mangangalakal ng basura, kamakalawa ng hapon sa naturang lungsod.
Nagtamo ng isang tama ng bala sa likod na tumagos sa dibdib ang biktima na nakilalang si Christian Serrano, ng Kalayaan Avenue, ng naturang lungsod. Nagawa pa itong maisugod sa Ospital ng Makati ngunit hindi na rin umabot ng buhay.
Sa ulat ng Makati Police-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-2:50 kamakalawa ng hapon sa loob ng isang abandonadong gusali sa kanto ng Bagtikan at Kamagong Sts., Brgy. Sta. Cruz.
Kasama ng biktima ang mga kaibigang sina Erwin Requiama at Ricky Hongko na naghahanap ng makakalakal na bakal nang huminto sa tapat nila ang isang patrol car ng Makati police.
Nang sitahin, nagkanya-kanyang takbuhan umano ang grupo ng biktima kung saan nagpaputok ang isa sa mga pulis. Dito na biglang bumagsak si Serrano nang tamaan ng bala ngunit sa halip na tulungan ay inabandona ito ng umano’y mga pulis at hinayaan ang mga kasamahang menor-de-edad ang magsugod sa biktima sa pagamutan na umabot ng ilang oras.
Tiniyak naman nina Requiama at Hongko na makikilala nilang muli ang mga pulis sa oras na muli nilang makaharap ang mga ito.