MANILA, Philippines - Isang 23-anyos na lalaki ang sinasabing nagpatiwakal sa pamamagitan nang pagbaril sa sarili sa harap mismo ng kainumang babae, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nasawi sa loob ng Pasay City General Hospital dahil sa tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa ulo si Mohamad Altawabeh, nangungupahan sa Central Park Condominium, F.D. George street, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Pasay police, naganap ang insidente sa loob ng inuupahang condominium unit ng biktima. Nabatid na nakikipag-inuman si Altawabeh sa 19-anyos na si Maricon Espinosa at kasamahan na si Aries Hizon na nagsimula kahapon ng madaling araw.
Ayon kay Espinosa, dakong alas-7:30 ng umaga nang lasing na lasing na ang tatlo ay biglang bumunot ng baril si Altawabeh na itinutok nito sa sentido ngunit inakala lamang ng babae na nagbibiro ito. Nabalutan ng sindak at pagkagulat si Espinosa nang biglang iputok ito ng biktima.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.