Tanod utas sa ex-con

MANILA, Philippines -  Hindi umubra ang tapang ng isang barangay tanod sa isang ex-convict makaraang mapatay ito matapos na masaksak sa kanilang away, kahapon ng madaling-araw sa Muntinlupa City. Limang saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ni Quintin Collado, Jr., 30, ng Espeleta St., Brgy. Poblacion habang sumuko naman ang suspect na si Dindo Colipano, 30.

Sa ulat ng Muntinlupa police, naganap ang pamamaslang dakong alas-2:30 ng madaling-araw. Pauwi na umano si Colipano nang may mambato umano sa kanya ng bote kung saan tinamaan siya sa paa nang mapatapat sa barangay hall sa may Amparo street. Nilapitan umano ni Colipano si Collado na siyang naka-duty na tanod sa barangay hall. Dito umano nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa nang hindi magkaintindihan at nauwi sa hamunan ng away at saksakan. Balik kulungan ngayon sa Muntinlupa detention cell si Colipano at nahaharap ngayon sa kasong murder.

Show comments