MANILA, Philippines - Bukod sa mga sociocivic activities na jobs at trade fairs na handog ni QC Mayor Herbert Bautista, bibiyayaan pa ng 50 percent discount ang mga taga QC sa ticket sa mga sinehan sa unang screening sa okasyon ng ika-43 kaarawan ng Alkalde sa May 12.
Upang maka-avail ng special treat, ang movie goers ay dapat magpakita ng balidong identification cards na nagpapatunay na residente ng QC.
Ang mga sinehan na magbibigay diskuwento sa mga binebentang ticket ay ang kasapi ng National Cinema Association of the Philippines (NCAP) sa Quezon City kabilang ang SM mall chain (Fairview, Centerpoint, North and Cubao), Trinoma, Eastwood, Gateway, Ali Mall, Waltermart at Robinson’s Fairview.
Gayunpaman, nilinaw ng NCAP na ang diskuwento ay para sa regular 35 movies at hindi kasama ang pelikulang ipinalalabas sa IMAX theaters at 3D movies.
Ang jobs fair naman sa okasyon ay gagawin sa pamamahala ng City Public Employment Services Office sa pamumuno ni Carlo Magno Abella kung saan gaganapin ito sa May 10 sa QC Hall Plaza mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Magkakaroon din ng libreng medical at wellness services sa mga empleyado ng city hall tulad ng cataract screening, colon consultation check up, blood pressure, body mass index, posture analysis at minor consultations.