Manila, Philippines - Isang sindikato ang responsable sa pagdukot sa mga bagong silang na sanggol sa dalawang ospital sa Maynila. Ayon kina City Administrator Jesus Marzan at Media Information Bureau chief at chief of staff Ric de Guzman, ipinauubaya na nila sa MPD ang pagtukoy sa sindikato, gayundin ang suspect sa dalawang kaso ng pagnanakaw ng bata sa Ospital ng Sampaloc at Ospital ng Maynila kamakailan lamang.
Nabatid sa pulisya na isang organisadong grupo ang nasa likod ng baby kidnapping dahil agad umanong nabebenta ang sanggol bunsod na rin ng pagkakaroon ng buyer.
Sa record ng Manila Police, lumalabas na unang isinagawa ang pagdukot sa anak ni Marjorie Angoy paglabas na paglabas ng gate ng Ospital ng Sampaloc noong Marso 23, 2011 at nasundan ito nang tangayin naman ng isang nagpanggap na nurse sa Ospital ng Maynila na nakipagkaibigan din sa ina ng bata na nakilalang si Sheila Cawili noong Abril 28, 2011. Dahil dito, malaki ang posibilidad na tanggalin ang lahat ng mga nakatalagang City Security Force sa nasabing mga ospital bunsod ng insidente.