Manila, Philippines - Tinututukan ngayon ng NCRPO ang pagbabantay sa mga matataong lugar matapos na itaas ang “full alert status” sa buong pulisya sa bansa dahil sa pangambang atakihin ng mga tagasuporta ng napaslang na terrorist leader na si Osama Bin Laden ang mga bansang kaalyado ng Estados Unidos.
Sinabi ni bagong NCRPO director, Chief Supt. Allan Purisima na dinagdagan na ang mga tauhan na nagbabantay sa train system tulad ng Light Rail Transit Line 1 at 2, Metro Rail Transit, mga daungan, paliparan, shopping malls, at bisinidad ng mga embahada.
Sa kanilang command conference, sinabi ni Purisima na kung sasalakay ang mga terorista, pangunahing target ng mga ito ang mga matataong lugar o kaya ay mga importanteng instalasyon ng pamahalaan upang maging tagumpay ang paghahasik ng takot.
Pinalakas na rin umano ng NCRPO ang pangangalap ng intelehensya upang matunugan ang galaw ng mga grupo na nasa bansa na posibleng may koneksyon sa mga internasyunal na grupong terorista at mga dayuhan na dumarating sa bansa.