MANILA, Philippines - Natimbog ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Nigerian national na responsable sa pagre-recruit sa binitay na Pinay sa China na si Elizabeth Batain, at isa pang Korean drug courier nito matapos ang ginawang buy-bust operation kahapon ng umaga sa lungsod Quezon.
Ayon kay PDEA Director General/Undersecretary Jose S. Gutierrez Jr., nakilala ang mga suspect na sina Samuel Egbo, 34, Nigerian National at Yunji Choi, 22, Korean national na kapwa miyembro ng African Drug Syndicate (ADS).
Nasakote ang mga suspect sa isang fastfood chain sa Matalino, corner Malakas Sts. sa lungsod ganap na alas-4:45 ng madaling-araw.
Ayon kay Gutierrez, matagal nang nasa-surveillance ng kanilang kagawaran ang nasabing mga suspect matapos ang impormasyon ibinigay ng isang impormante na dating kabilang sa kanilang grupo na nagdadala rin ng droga sa ibang bansa.
Sa naturang operasyon ay nakumpiska sa mga suspect ang kalahating kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng 2.5 milyong piso.
Ayon kay Gutierrez, dahil mainit na ang isyu sa mga paggamit ng mga Pinoy drug couriers ng African Drug Syndicates, lumipat naman ang mga ito sa paggamit ng mga Korean couriers para mailihis ang atensyon ng mga awtoridad sa naturang mga dayuhan.
Nabatid na si Egbo ay isa sa main facilitators para sa pagre-recruit ng Pinay na ginagamit na drug couriers, kabilang na si Elizabeth Batain, na isa sa binitay sa China noong Marso 30, 2011.