Peñas nagtatago sa Dumaguete
MANILA, Philippines - Nagtatago umano sa Dumaguete City si Rosel Jacosalem Peñas, ang bilas ng aktres na si Pilar Pilapil na itinuturing din na kasangkot sa pagdukot at bigong pagpatay sa aktres. Sinabi ni NBI Director Magtanggol Gatdula na posibleng naroroon lamang umano sa Dumaguete City si Peñas, batay sa personal na impormasyong nakuha niya sa pagbisita sa nasabing lalawigan para imbestigahan ang kaso ni Pilapil. Ani Gatdula, si Peñas ay tubong Dumaguete at karamihan sa mga kaanak nito ay nasa nasabing probinsiya. Ang naturang impormasyon ay nasabi na rin umano niya kay PNP chief, Director General Raul Bacalzo. Matatandaang si Pilapil ay sugatang iniwan sa isang madamong lugar sa Piedra Blanca Subdivision, Brgy. San Luis, Antipolo City, Rizal noong Abril 14, 2011. Tinangay ng mga armadong kalalakihan ang sinasakyan niyang KIA at isinama ang kanyang kasama na ngayo’y suspect na si Peñas.
- Latest
- Trending