MANILA, Philippines - Binigyan na ng permiso ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para makumpuni na ang luma at kritikal na mapanganib nang Osmeña flyover sa Makati City na tiyak na magiging sanhi ng matinding pagbubuhol ng trapiko.
“Kailangang maintindihan ng publiko ang pangangailangan na makumpuni na ang istruktura dahil sa itinayo ito 30-taon na ang nakalilipas at hindi na ligtas. Kung made-delay ito ay mas malaking pinsala ang maaaring mangyari lalo na kung tatama ang lindol,” ani MMDA chairman Francis Tolentino.
Maglalagay ng “re-routing” ang MMDA sa mga apektadong ruta habang mag-uumpisa ang rehabilitasyon ng flyover sa oras na maikabit na lahat ng traffic signages ng kontraktor ng proyekto na Towking Construction.
Habang kinukumpuni ito, isasara ang dalawang lanes sa magkabilang direksyon ng flyover na inaasahang lilikha ng matinding pagbubuhol ng trapiko dahil sa dami ng sasakyang dumaraan dito.
Nangako naman ang MMDA na magtatalaga ng sapat na mga traffic enforcers sa mga apektadong lugar upang umalalay sa mga motorista hanggang sa matapos ang proyekto na may 120 araw.