MANILA, Philippines - Giniit ng kampo ng depensa sa Maguindanao massacre na muling payagang madala sa ospital si Andal Ampatuan, Sr., dahil sa pananakit ng kanang binti at paa na maaaring resulta ng kanyang prostate ailment.
Sa isang pahinang mosyon na isinumite ng Fortuno, Narvasa and Salazar Law Office sa Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221, ipinapakiusap nito sa korte na pahintulutang ma-confine sa isang ospital ng gobyerno ang dating gobernador ng Maguindanao.
Kasama si Andal, Sr., sa mga akusado sa kaso ng malagim na Maguindanao massacre kung saan pangunahing suspect ang anak niyang si Andal Ampatuan, Jr.
Kasabay nito, hiniling na rin ng kampo ni Andal, Sr., na magpalabas ng kautusan si QC-RTC Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Solis-Reyes na nag-aatas sa warden ng Quezon City Jail Annex sa Camp Bagong Diwa, Taguig City na mai-refer ito sa sinumang manggagamot ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) para sa konsultasyong medikal at sa kalaunan, maisailalim sa kumpletong gamutan.
Nauna nang na-confine si Andal Sr. sa AFP Medical Center (dating V. Luna Hospital) noong nakaraang taon, matapos na hilingin din ng kampo ng depensa bunsod na rin ng diumano’y hindi maayos na lagay ng kalusugan nito.