MANILA, Philippines - “Goodbye, aalis na ako, malayo pa ang lalakbayin ko, Happy trip to me.”
Ito ang huling paalam sa text messages ng negosyanteng si Paciano Agosto, sa kanyang girlfriend makaraang magbigti sa loob ng kanyang bahay sa lungsod Quezon.
Si Agosto, 44, ay natagpuan ng kanyang girlfriend na si Beth Ordoñez, habang nakabitin sa may gabilya ng kanyang tahanan na matatagpuan sa no. 813 Aurora Blvd., Brgy. Immaculate Concepcion sa lungsod ganap na alas-3 ng hapon.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Greg Maramag, may-hawak ng kaso, natuklasan ni Ordoñez ang bangkay ng biktima nang puntahan niya ito sa kanyang bahay.
Ilang ulit siyang kumatok sa pinto ng bahay ng boyfriend pero walang sumasagot, kaya sumilip na lang siya sa bintana kung saan nakita niya ang biktima na nakabitin.
Agad na humingi ng saklolo si Ordoñez sa barangay na agad na rumesponde at puwersahang binuksan ang pintuan ng bahay ng biktima.
Sinabi pa ni Ordoñez, Biyernes ng matanggap niya ang nasabing mensahe ng pamamaalam ng biktima sa kanya.
Hindi naman tinukoy kung ano ang motibo ng biktima sa kanyang pagpapatiwakal, pero pinalalagay na personal na problema ang ugat ng kanyang ginawa.