MANILA, Philippines - Napipinto na ang pagluluklok sa puwesto ni Chief Supt. Alan Purisima bilang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ito’y kaugnay ng panibagong bugso ng balasahan na ipatutupad ng liderato ng PNP sa susunod na mga araw.
Si Purisima ng PMA Class 1981 ay siyang hahalili kay outgoing NCRPO Chief P/Director Nicanor Bartolome.
Sa tala ng PNP, bukod sa mahigpit na krusada kontra illegal gambling ay isang kilalang crime buster si Purisima kaya ito ang napisil na humalili sa puwestong babakantehin ni Bartolome na mahaharap naman sa panibagong hamon ng kanyang police career.
Kinumpirma ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo na si Bartolome ay iluluklok na sa susunod na linggo bilang Number 4 man ng PNP o ang posisyon ng Chief Directorial Staff.
“He will assume post soon, maybe on Monday,” ani Bacalzo kay Bartolome na miyembro naman ng PMA Class 1980, tubong-Gerona, Tarlac.
Samantala, hahalili naman kay Purisima sa Central Luzon Regional Police Office si Chief Supt. Edgardo Laddao, ang outgoing director ng NPD.