MANILA, Philippines - Dahil sa kahina-hinalang timbang ng limang container van, nabisto ng Bureau of Customs (BOC) ang ipinuslit na P20-milyong halaga ng ceramic tiles, floor coverings, iba pang accessories at moulding machine na idineklara lamang na imported ‘ukay-ukay’ mula sa bansang China.
Kahapon ay agad na ring inutos ni Customs Commissioner Angelito Alvarez na kumpiskahin ang nasabing shipment pabor sa gobyerno, alinsunod sa isinasaad ng Tariff and Customs Code na maaaring kunin ng pamahalaan ang undervalued goods na hihigit sa 30 porsyento kumpara sa idineklarang halaga.
Nabatid sa ulat ni Customs Deputy Commissioner for Enforcement Horacio Suansing na ang idineklara lamang ng Goldware Marketing ay imported ‘ukay-ukay’ ang kargamento na tumitimbang ng 52,552 kilos subalit nang suriin ay nasa 138,610 kilos ito. Idineklarang ang halaga lamang ng shipment ay P3.8 milyon subalit nang suriin ay nakitang may halaga ito na P10.3 milyon.
Maliban sa ceramic tiles ay nadiskubre rin ang plastic injection moulding machine na undervalued ng 1,000 porsyento na inilulusot naman umano ng consignee na Columbia Plastic Manufacturing na idineklarang P720-libo lamang ang halaga sa kabila ng pagkumpirma naman ng Federation of Philippine Industry (FPI) na umaabot ang halaga sa P10-milyon.
Bukod pa sa panloloko sa timbang, natuklasan din na ang halaga ng ceramic tiles at iba pang kasama nito ay nasa kabuuang mahigit P20-milyon.