Manila, Philippines - Dinakip ang isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa aktong tumatanggap ng P2,000 mula sa hinuling driver sa Sampaloc, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nadakip na si Nilo Quitirano, 42, ng Pandacan, Maynila dahil sa reklamo ng biktimang si Ariel Balce, 33, taxi driver.
Sa ulat, dakong alas-6:25 ng gabi nang isagawa ang entrapment operation laban kay Quitirano, sa Legarda St., Sampaloc Maynila.
Bago ang pagdakip, sinita umano ng suspect ang biktima dakong alas-2:45 ng hapon sa hinalang kolorum at improvised plate lamang ang gamit nito kaya ipinakita ng driver na may sapat siyang dokumento, gayunman ay pinigil pa rin ang taxi nito.
Inatasan umano ang biktima na tubusin na lamang ito sa halagang P2,000.
Umalis ang biktima at sa pagbalik nito ay ibinigay ang nasabing halaga sa suspect, na lingid sa kaalaman ng huli ay nakadulog na sa pulisya ang biktima na dumakma dito habang tinatanggap ang pera.