Manila, Philippines - Tuloy pa rin ang palitan ng maaanghang na salita nina Makati Mayor Junjun Binay at DILG Secretary Jesse Robredo kaugnay ng naging marahas na demolisyon sa mga istruktura sa nasunog na Laperal Compound sa Guadalupe Viejo nitong nakaraang Huwebes.
Unang nagkainitan sina Binay at Robredo kamakalawa ng hapon nang biglang dumating ang kalihim sa “demolition site” at kinausap ang alkalde. Hinihiling ni Robredo na magsagawa muna ng dayalogo sa mga lider ng Laperal Compound bago isagawa ang demolisyon sa kanilang mga tahanan. Maanghang na tumanggi naman dito si Binay at sinabing ilang dekada na silang nakikipag-usap sa mga residente ngunit walang nangyayari.
Matapos nito, binarikadahan na ngayon ng mga tauhan ng Makati City Police at National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang naturang lugar upang hindi na payagang makapasok sa compound ang mga residente matapos naman na payagang hakutin muna ang mga materyales ng nasira nilang mga bahay tulad ng bubong at iba pang mahahalagang gamit.
Umaabot sa 18 katao ang nasugatan sa ikalawang araw ng karahasan sa compound.
Kahapon, nagpatuloy sa sagutan sina Binay at Robredo sa mga programa sa radyo. Iginigiit pa rin ni Robredo na sana’y nagkaroon muna ng mahinahong dayalogo ngunit sinabi ito ni Binay na kailangang proteksyunan nila ang kanilang mga sarili sa mga residente na nanlalaban at naunang umaatake habang pinipilit nilang makipagdayalogo. Iginiit din nito na ginawa na lahat ng pamahalaan ang opsiyon katulad ng dayalogo at hindi dapat mistulang ipinipilit ng kalihim na hindi nila ito ginagawa.