Manila, Philippines - Kinondena ni Makati Mayor Junjun Binay ang paggamit ng mga residente at magulang sa Laperal Compound, Guadalupe Viejo sa mga paslit bilang “human shield” sa naganap na marahas na engkuwentro sa pagitan ng mga demolition team at pulisya kamakalawa at naulit kahapon ng hapon.
Muling nagpaulan ng mga bote at bato ang mga nagpoprotestang residente nang pasukin muli ng demolition team ang compound dakong alas-2 ng hapon kahapon. Tulad ng naganap nitong nakaraang Miyerkules, ginamit rin ng mga residente ang mga paslit nilang anak bilang “human shield” sa mga awtoridad.
Nagawa namang mapasok ng demolition team na armado ng bulldozer ang barikada ng mga residente at inumpisahan na kahapon na gibain ang mga itinayong istruktura at natitirang bahagi ng mga nasunog na bahay. Habang isinusulat ito, hindi pa malinaw kung ilan ang nasugatan sa panibagong karahasan matapos na anim katao ang masugatan sa sagupaan kamakalawa.
Sinabi ng alkalde ilang indibidwal na may pakinabang sa lugar ang nangunguna sa paglaban sa lokal na pamahalaan at ginagamit pa ang mga bata upang hindi mapasok ang lugar kung saan inilalagay nila ang mga paslit sa kapahamakan.
Sa datos buhat sa census sa naturang lugar, nabatid na 400 pamilya lamang sa higit 2,000 pamilyang naninirahan sa Laperal ang residente ng Makati City. Ang nalalabi umano ay pawang mga rumerenta lamang sa mga may-ari ng bahay na kumikita ng mula P1,000 hanggang P3,000 kada kuwarto bawat buwan na siyang pinagkakabuhayan ng mga residenteng ayaw umalis dito.