MANILA, Philippines - Timbog ang isang 35-anyos na traffic enforcer ng MMDA sa aktong tumatanggap ng P3-libong lagay kapalit ng binaklas na plaka at lisensiya ng isang FX taxi driver sa Ramon Magsaysay Boulevard sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon.
Dakong ala-1 ng hapon ng isagawa ang entrapment operation laban kay Ricky Pitero, ng MMDA - Manila Traffic Sector at residente ng Pandacan, Maynila.
Ito’y matapos siyang pormal na ireklamo ng driver na si Anatolio Calderon Jr. na kinumpiskahan nito ng lisensiya at plaka noong Martes Santo (Abril 19) sa Roxas Boulevard. Para maibalik umano sa kanya ang lisensiya at plaka ay humihingi ito ng P3,000.
Dahil dito, ipinabatid ni Calderon sa pulisya ang nasabing pangingikil kaya inilatag ang entrapment kung saan dinamba ang suspect sa aktong tinatanggap ang pera sa kanyang biktima. Inihahanda ang kaukulang kaso laban kay Pitero.