Karahasan sumiklab sa nasunog na Laperal compound
MANILA, Philippines - Sumiklab ang karaha san sa pagitan ng pulisya, tauhan ng pamahalaang lungsod ng Makati at pamilya ng mga squatters nang pasukin ng demolition team ang nasunog na Laperal Compound sa Guadalupe Viejo, Makati City upang puwersahing paalisin na ang mga residente sa lugar na idineklarang “danger zone”.
Dakong alas-4:20 ng hapon nang magpang-abot ang mga galit ng mga residente laban sa mga tauhan ng Makati City Police, Makati Public Safety Department (MAPSA), Makati Fire Department at inupahang demolition team.
Nabatid na pakay ng demolition team na tuluyang gibain na ang mga itinayong istruktura ng mga nasunugang residente matapos na ilabas ni Makati Mayor Junjun Binay ang kautusan na huwag nang pabalikin ang mga pamilya ng iskuwater sa lugar makaraang ideklara itong “danger zone” dahil sa palagiang nasusunog ito.
Ito’y makaraang humingi rin ng tulong ang may-ari ng Laperal Compound na si Oliverio Laperal sa lokal na pamahalaan upang huwag nang mapabalik ang mga iskuwater para naman umano mapakinabangan na nila ang naturang lupain.
Nag-alok naman ang lokal na pamahalaan ng relokasyon sa mga residente sa Calauan, Laguna at San Jose del Monte, Bulacan at tulong pinansyal ngunit iilan lamang ang kumagat.
Habang isinusulat ito, nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga residente na huwag nang lumaban at tanggapin na lamang ang alok sa kanila para magkaroon ng sariling mga bahay sa relokasyon.)
- Latest
- Trending