MANILA, Philippines - Isang tama ng bala sa mukha ang agad na tumapos sa buhay ng isang pedicab drayber matapos barilin ng isang hinihinalang pulis nang magtalo ang dalawa dahil sa gitgitan sa kalye sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Duguang nakalugmok sa pinapasadang pedicab si Reynaldo Soriano, 35, ng Brgy. Salvacion, sa lungsod nang iwan siya ng nag-iisang salarin matapos ang krimen.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na nangyari ang insidente sa harap ng isang gasoline station sa panulukan ng N. Roxas St. at Halcon St. Brgy. San Isidro Labrador ganap na alas-9 ng gabi.
Diumano, nagkabanggaan ang pedicab ng biktima at Toyota Vios (ZRB-103) ng suspect matapos na magkagitgitan sa naturang lugar.
Dahil dito ay nagkaroon ng mainitang komprontasyon ang dalawa hanggang sa bumunot umano ng baril ang suspect at barilin ang biktima sa mukha, saka tumakas.
Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya sa nasabing insidente upang matukoy kung pulis nga ang tumakas na suspect.