MANILA, Philippines - Ipinatupad na kahapon ng Citra Metro Manila Tollways Corporation (CMMTC) ang bagong toll rates na inaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) matapos na makumpleto ang Stage 2 nito.
Binubuo ngayon ang “Integrated Skyway System” ng 16.3 kilometrong Buendia-Alabang elevated section at 13.5 kilometrong Magallanes-Alabang at-grade section.
Sa elevated stretch, P85 ang sisingilin sa mga class 1 vehicles mula Makati-Bicutan; P106 mula Makati-Sucat; at P147 mula Makati-Alabang. Sa “at-grade section”, sisingil ngayon ng P44 mula Magallanes o C-5 tungo sa Merville o Bicutan; P31 mula Bicutan-Sucat; at P31 mula Sucat-Alabang.
Sinabi ni Julius Corpus, tagapagsalita ng TRB, na orihinal na nakaiskedyul ang pagtataas ng toll fee nitong nakaraang Lunes ngunit ipinagpaliban ng isang araw upang hindi umano bulagain ng mas mataas na bayarin sa toll ang mga bakasyunista buhat sa mga lalawigan.
Higit na bibilis naman umano ngayon ang biyahe kung saan ang dating isang oras ay bababa na lamang ngayon ng 15 hanggang 20 minuto dahil sa mga pagbabago.