MANILA, Philippines - Isang mapanlinlang, may dating kaso ng qualified theft na posibleng miyembro ng isang notoryus na sindikato ng carjacking si Rosel Peñas, ang naghudas na bilas ng veteran actress na si Pilar Pilapil na pinagtangkaang patayin noong Marso 14.
Ito ang ibinunyag kahapon ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director P/Chief Supt. Samuel Pagdilao base sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng binuong Special Investigating Task Group (SITG) Pilapil sa kaso ng aktres.
Ayon kay Pagdilao, mismong si Pilar ay hindi makapaniwala na magagawa siyang traydurin ni Peñas na kinupkop niya sa kanyang tahanan subalit ngayon ay kumbinsido na ito na pakana lahat ni Peñas ang lahat.
Nabatid sa opisyal na dating namasukan may 2 taon na ang nakakaraan sa isang mayamang pamilya sa Metro Manila si Peñas pero nang makuha nito ang tiwala ay pinagnakawan kung saan nang mapanood sa telebisyon ang larawan ng suspek ay positibo itong kinilala ng pamilya ng biktima.
Samantala, pinatira rin ng aktres sa kanyang tahanan si Peñas dahil misis ito ng kapatid ng kanyang live-in partner na si Bert Peñas pero nagawa pa rin nitong traydurin si Pilapil.