MANILA, Philippines - Mahigit sa P140,000 ang nawala sa dalawang tanggapan ng LTO sa lungsod Quezon matapos itong looban, ayon sa ulat ng pulisya kahapon. Ayon sa ulat, nilooban ng mga suspect ang mga tanggapan ng LTO Property Division Bldg., at Plate Custodial Section na pawang nasa ikalawang palapag ng LTO Adjudication Board Bldg., na matatagpuan sa East Avenue, Brgy. Pinyahan sa lungsod. Ang nasabing opisina ay pinamumunuan nina Leda Jose at Romulo Maala. Sa pagsisiyasat, nakulimbat sa tanggapan ni Jose ang kanyang P135,000 cash, assorted LTO documents, validation tags at stickers ng LTO, gift check P12,000 at landbank passbook. Habang kay Maala naman ay P10,000 cash. Sinasabing nadiskubre ang pagnanakaw ng janitress na si Janete Ortega ganap na alas-6 ng umaga. Maaaring nagdaan ang mga suspect sa pamamagitan ng butas ng airconditioning unit sa loob ng equipment section. Naabutan na kasi ng mga awtoridad na ang aircon mula dito ay nakalapag na sa sahig na indikasyon na ginawang daanan umano ng mga suspect. Hindi rin inaalis ng awtoridad na inside job ang insidente.