MANILA, Philippines - Tinukoy kahapon ng Metro Rail Transit Authority (MRTA) na pangunahing dahilan ng patuloy na pagtirik ng kanilang mga tren at maging ng Light Rail Transit Line 1 at 2 ay ang mga walang disiplinang pasahero sa kabila ng milyun-milyon nilang nagagastos sa maintenance.
Ito’y matapos na makapagtala na naman kahapon ng mga insidente ng pagkabalam at pagtirik ng tren ng MRT Line 1 dahil sa paghinang suplay ng kuryente at hindi sumasarang mga pinto.
Sinabi ni LRTA spokesman Hernando Cabrera, humina lamang ang “power supply” ng isa nilang train unit na “northbound” at napilitang itigil muna ito sa may Shaw Boulevard station. Dinala naman ang naturang tren sa kanilang depot para masuri ang makina.
Nabatid naman sa MRTA na ilang insidente naman ay kagagawan din ng mga pasahero na ipinipilit na ipagsiksikan ang mga katawan para makapasok sa mga tren kung saan pinipigilan ang pagsara ng pinto sanhi upang mag-malfunction ang “automatic system” nito.
Nananawagan ang MRTA sa kanilang mga pasahero na pairalin ang disiplina kung saan huwag pigilan ang pagsara ng pinto upang hindi masiraan ang mga tren.