Foam epektibo vs sunog
MANILA, Philippines - Bunsod na rin ng sunud-sunod na insidente ng sunog sa Metro Manila, naniniwala ang Bureau of Fire Protection at ang isang kagawad ng pamatay-sunog na mabisa at epektibo ang foam laban sa sunog.
Ayon kina General Santiago Laguna, hepe ng Bureau of Fire Protection-NCR at Ronnie Cruz, private firefighter napapanahon ang Compressed Air Foam System bilang panlaban at pamatay sa sunog dahil sa may cooling capability umano ito na siyang nagtatanggal ng heat element kung kaya’t namamatay agad ang apoy. Napipigil din umano nito ang pagkalat ng apoy kapag nabugahan na ng foam ang mga kalapit bahay o gusali.
Sinabi ni Cruz, na napuna nilang mas maagap at mabisang pamatay ng apoy ang foam na gamit ng isang modern fire truck na rumesponde sa sunog sa kanilang lugar kumpara sa ibang fire truck, na mabilis maubos ang kargang tubig sa pagpuksa ng apoy.
Inamin naman ng mga volunteer fire fighters na gumamit ng CAFS foam system na mas matipid ito dahil sa hindi na kailangan angkatin pa ang naturang chemical formulation sa ibang bansa dahil mayroon umanong local manufacturer na siyang gumagarantiya sa bisa at pagiging epektibo nito.
Matatandaan na magkasunod na major residential fires ang naganap noong April 11, 2011 sa bahagi ng Quezon City partikular sa BIR Road, Brgy. Central na mahigit sa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan at 900 residente naman ang naapektuhan sa Culiat, Brgy. Central, kung saan umabot pa ang mga ito sa General Alarm.
Mahigit 88 fire trucks lamang sa NCR ang buo at gumagana mula sa naitalang 177 fire truck units nito. Malaking kakulangan umano ito mula sa target na 420 fire truck para sa kabuuan ng Metro Manila.
- Latest
- Trending