Kawatan inaresto ng trader

MANILA, Philippines - Rehas na bakal ang bi­nagsakan ng isang 23-anyos na kawatan matapos ma­aresto ng isang negosyante na inakyat-bahay ng una sa Brgy. Highway Hills sa Mandaluyong City kahapon ng madaling-araw.

Nakadetine na sa himpilan ng pulisya sa Mandaluyong City ang suspek na si Audie Listana, may-asawa, glass installer, ng Block 39-Fabella Road, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.

Sa reklamo ng negos­yatneng si Rolando Candilla, 45, dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang magising ang mag-asawang Candilla matapos maramdaman ang ingay at liwanag ng flashlight na dala ng suspek mula sa loob ng kanilang bahay.

Napabalikwas si Rolando saka hinabol ang suspek na bitbit ang kanilang bag na ninakaw.

Sa panulukan ng Malinaw Street inabutan ni Rolando ang suspek kung saan dinala sa himpilan ng pulisya.

Ayon kay PO3 Marvin Masangkay ng Criminal Investigation Unit, nabawi ang mga ninakaw ng suspek kabilang na ang Nokia N70 cellphone, P10,000,18K  Japanese gold ring (P6,000)  at P3,000 cash.

Mariin namang pinabula­anan ng suspek ang akusas­yon at sinabing nagtago lang siya dahil may humahabol sa kanya. 

Show comments