MANILA, Philippines - Hindi nag-match ang finger prints ng halos hindi na makilalang bangkay ng isang babae na naaagnas na nang narekober sa Tumana River sa Marikina City sa nawawalang kasamahan ng veteran actress na si Pilar Pilapil na dinukot at tinangkang paslangin matapos na pagsasaksakin ng dalawang hinihinalang carjacker.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Special Investigating Task Group Pilapil Head P/Sr. Supt. Joel Napoleon Coronel base sa resulta ng finger prints analysis na ipinalabas ng PNP-Crime Laboratory sa Camp Crame.
Ayon kay Coronel, patuloy pa rin ang kanilang paghahanap sa nawawalang si Rosel Jacosalem Peñas na kasamang tinangay ng mga suspect sa loob ng behikulong kulay gold na KIA na isang lumang modelo.
Una ng nagpalabas ng larawan ni Peñas, sister-in-law ng actress ang SITG Pilapil upang mapabilis ang paghahanap laban dito upang mabigyang linaw ang kaso.
Si Pilapil ay nagpapagaling pa rin sa The Medical City sa Pasig City matapos na pagsasaksakin ng isa sa dalawang carjacker na puwersahang sumakay sa behikulo ng mga ito sa Riverbank ng Marikina City noong Marso 14 ng gabi.
Ang actress ay itinapon ng mga suspect na armado ng patalim at icepick sa isang bakanteng lote sa Brgy. San Luis sa Antipolo City pero tangay ng mga ito sa kanilang pagtakas si Peñas.
Ayon sa opisyal, patuloy pa rin ang pangangalap nila ng mga ebidensya upang mapabilis ang pag-aresto sa mga suspect, isa rito ay natukoy na miyembro ng isang sindikatong kriminal na nag-ooperate sa Metro Manila at mga karatig lugar.
Nanawagan rin ito sa publiko na mangyaring agad na ireport sa mga awtoridad sakaling makita si Rosel at ang behikulong pinagsakyan rito sakaling mapagawi sa kanilang mga lugar upang malutas ang kaso.