MANILA, Philippines - Kakaibang pasakit ang dinaranas ngayon ng higit sa 2,000 pamilyang nasunugan sa Guadalupe, Makati City dahil sa palilipasin nila ang Semana Santa sa seminaryo, mga ginawang tent sa kalsada, covered courts at mga pampublikong paaralan na ginawang mga evacuation areas habang ginagawan ng paraan ng lokal na pamahalaan ang kanilang paglilipatan.
Buong-loob na tinanggap ni Bishop Roderick Pabillo ang mga pamilyang nasunugan na lumikas muna sa Nuestra Senora de Gracia Church matapos na mapakiusapan ni Makati Mayor Junjun Binay. Nagbigay naman ng payo si Bishop Pabello sa mga nasunugan na lakasan ang loob at bumangon sa pagsubok sa tulong ng Panginoon na gugunitain ang kamatayan ngayong Semana Santa.
Matatandaan na tinupok ng apoy ang daan-daang kabahayan sa Laperal Compound sa Brgy. Guadalupe Viejo kamakalawa kung saan umabot ito sa “general alarm”.
Patuloy naman ngayon ang pamahalaang lungsod ng Makati sa pagbibigay ng tulong sa mga nasunugan. Nabatid na nagtayo ng isang “community kitchen” ang Social Welfare Office sa naturang lugar upang magbigay ng pagkain sa mga biktima at magpamahagi ng mga relief goods na natatanggap buhat sa iba’t ibang institusyon.
Nagtayo naman ang Engineering Department ng mga pansamantalang tents na matutuluyan ng ilang mga pamilya na hindi na magkasya sa mga evacuation sites habang nagbigay naman ng mga “first aid at medical assistance” sa mga residente ang Makati Health Department at Makati Rescue Unit.
Pinayuhan naman ni Binay ang mga residente na huwag nang magtayo muli ng tirahan sa naturang lugar na umano’y isang “fire hazard” base sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sinabi nito na may nakalaan umanong relocation sites sa naturang mga pamilya sa Bulacan at Cavite na maaaring matirahan na ng mga pamilya.