Leave, day-off ng mga pulis kinansela
MANILA, Philippines - Kinansela ni Acting Manila Mayor Isko Moreno ang lahat ng leave at day-offs ng lahat ng mga pulis ng Manila Police District (MPD)upang matiyak ang seguridad ng publiko kaugnay ng paggunita ng Semata Santa matapos ang ginawang pagpupulong kasama sina MPD director Gen. Roberto Rongavilla, deputy director Col. Alex Gutierrez, mobile chief Maj. Edgar Reyes, traffic bureau chief Maj. Reynaldo Nava, intelligence chief Col. Ernesto Fojas, Jr. at ang 11 station commanders.
Kasabay nito, inutos din ni Moreno ang paglalagay ng 14 na police assistance center sa mga pangunahing lansangan at boundary partikular sa mga simbahan upang madaling marespondehan at mabigyan ng tulong ang publiko.
Maging ang mga K-9 units ay pinakakalat din sa mga piers, seaports at provincial bus terminals upang alalayan ang mga magsisi-uwi sa kanilang probinsiya.
Bunsod nito, naglaan si Moreno ng P50,000 para sa gasoline expenses ng may 60 patrol cars na magsasagawa ng round-the-clock surveillance at monitoring sa lungsod.
Giit ni Moreno, mahigpit ang kautusan ni Manila Mayor Alfredo Lim na mahigpit na ipatupad ang anti-criminality campaign lalo na sa mga ganitong panahon. Dapat pa ring bigyan ng prayoridad ang seguridad at serbisyo publiko.
Pinayuhan din ni Moreno ang publiko na gunitain ng taimtim ang Holy Week at iwasan ang inuman at pakikipag-away.
Samantala half day, naman ang operasyon ng City Hall ngayon upang bigyan ng sapat na oras ang mga empleyadong magsisi-uwi sa kanilang probinsiya.
- Latest
- Trending