MANILA, Philippines - Hiniling ng pamunuan ng Quezon City Police District-Press Corps kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) director Nicanor Bartolome na sibakin sa puwesto ang hepe ng QCPD-Police Station 10 matapos na lusubin nito ang press office at bulyawan ang mga mamamahayag na nakatalaga dito kahapon.
Ayon kay Almar Danguilan, pangulo ng press corps, dumating sa kanilang opisina si P/Supt. Crisostomo Mendoza na nakauniporme kasabay ng pahayag na “huwag nito akong takutin, hindi ako natatakot sa inyo”.
Sinabi ni Danguilan na hindi man lamang nagpakita ng courtesy si Mendoza nang makipag-usap siya sa grupo at sa halip ay nanumbat pa ito na sila ang nagbabayad ng mga gastusin ng press office kaya’t wala silang karapatan na salingin ang kanyang posisyon.
Kamakalawa ay naglabasan sa ilang pahayagan ang umano’y panggigipit ni Mendoza sa grupo kung kaya’t sinugod naman ng opisyal ang mga reporters.
Samantala, matapos ang insidente ay kusang nakipag-usap sa miyembro ng QCPD press corps si Mendoza at personal na humingi ng paumanhin kaugnay sa naging asal niya nang magtungo sa nasabing tanggapan.