MANILA, Philippines - Dead-on-arrival sa ospital ang isang binata matapos na makuryente sa kawad ng kuryente habang kumukuha ng dahon ng puno ng niyog na gagawin sanang palaspas, kamakalawa sa lungsod Quezon.
Ayon sa pulisya, sa ospital na nila naabutan ang bangkay ng biktimang si Gerryboy Piosang, 22, construction worker ng Brgy. Sta Lucia sa lungsod. Sa imbestigasyon, nangyari ang inisidente sa may Schilling St., Phase 8, North Fairview Subd., Brgy. North Fairview sa lungsod ganap na alas-11 ng umaga.
Ayon sa saksing si Christopher Aropoc, 19, nangunguha sana sila ng dahon ng niyog na gagawing palaspas na ibebenta sa simbahan noong linggo at habang nagpuputol ng dahon sa puno ng niyog ang biktima ay bumagsak ang dahon nito sa high voltage na kawad sanhi para makuryente ang biktima.
Nagawa pang maitakbo sa Far Eastern University hospital ang biktima, pero makalipas ang ilang oras na gamutan ay idineklara din itong patay. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing insidente.