Kotse bumangga sa poste: Chinese national patay

MANILA, Philippines - Nasawi ang isang Chinese national, habang dalawa pa ang malubhang nasugatan makaraang bumangga ang sinasakyan nilang kotse sa isang konkretong poste na Binondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Metropolitan Medical Center ang biktimang si Lian Suan habang inoobserbahan pa at patuloy na nilalapatan ng lunas sa nasabing ospital sina Ping Lig Lig at Kwin Liang-Liang.

Nakapiit at ipinagharap na ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property ang lasing na driver na si Qui Zengze.

Sa report, dakong ala-1 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa tapat ng San Lorenzo Ruiz (Binondo-Church). Minamaneho ni Qui ang Toyota Cambri (XPT 668) nang bumangga sa konkretong poste na ikinatilapon ng sasakyan ng may 50 metro.

Sinabi umano ng mga nakakita na lasing ang driver na napakabilis umanong magmaneho kaya hindi naiwasang makapag-break nang mababangga na ang poste.

Isang pamilya na natutulog sa bangketa malapit sa pinangyarihan ang masuwerteng hndi nadamay sa aksidente.

Ayon pa sa ulat, nang rumesponde na ang mga awtoridad, pilit pang itinatago ng driver na si Qui ang isang kasamahang babae na naipit ng gulong, nang upuan niya ito at ayaw umanong ipahalata.

Show comments