MANILA, Philippines - Agad na ipinasibak sa puwesto ni National Capital Regional Police Office chief, Director Nicanor Bartolome ang hepe ng Cubao Police Station 7 makaraang abutan na walang bantay na pulis ang mga inilatag na “Police Assistance Desks (PADs)” sa Araneta Bus Terminal sa pag-inspeksyon nito kahapon ng umaga.
Inirekomenda ni Bartolome ang administrative relief kay P/Supt. Virgilio Fabian dahil sa command responsibility at pansamantalang ipinalit si P/Supt. Ramon Pranada.
Sinabi ni Bartolome na nakakatanggap siya ng ulat mula sa publiko at sa media na walang bantay sa mga PADs sa ilang mga bus terminals lalo na kung madaling-araw kung saan marami ang pasahero kaya nagsagawa ito ng inspeksyon.
Pinaiimbestigahan rin ngayon ni Bartolome sa Manila Police District-Station 3 (Sta. Cruz) ang mga nakatalagang pulis sa PADs ng Philippine Rabbit bus terminal sa Avenida na naiulat na wala sa kanilang mga puwesto tuwing madaling-araw. Pumasa naman kay Bartolome ang ipinatutupad na seguridad ng Pasay City Police sa mga bus terminals sa lungsod.
Nagsagawa rin ng inspeksyon ang NCRPO chief sa Ninoy Aquino International Airport 2 at 3 at nakipagpulong sa mga opisyales ng PNP Aviation Security Group.