Paslit lunod sa estero
Manila, Philippines - Isang 8-anyos na batang babae na inutusang bumili ng ulam sa hapunan ang natagpuang wala nang buhay sa isang estero sa Sta. Ana, Maynila, iniulat kahapon. Nakilala ang nasawi na si Elena Oyson, grade 3 student at residente ng Dr. M. Carreon St., Sta. Ana, Maynila. Sa pagsisiyasat, dakong alas-6:20 ng umaga nang madiskubreng patay sa Estero de Pandacan ang biktima, na ayon sa mga magulang niya ay dakong alas-7:45 kamakalawa ng gabi pa nila inutusan na bumili ng itlog na maalat sa tindahan. Hindi umano nakabalik ang biktima hanggang sa magdamag nilang hinanap. Kinabukasan nang ibalita ng mga kapitbahay na nakalutang sa maburak na estero ang bangkay nito. Nabatid na nakita ng ilang residente ang bata at unang inireport ito sa nakakasakop na si Chairman Teresita Viana ng Barangay 866, Zone 95 bago ipinaalam sa pulisya.
- Latest
- Trending