Manila, Philippines - Binuo ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang ‘Task Force Pilar,’ na siyang tututok sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon hinggil sa kaso ng pagdukot at pananaksak sa aktres na si Pilar Pilapil, o Crispina Martinez-Belen, sa tunay na buhay.
Ang Task Force Pilar ay binubuo ng mga tauhan ng PNP-Criminal Investigation Detection Group (CIDG), Marikina Police, Antipolo Police, Highway Patrol Group at PNP Crime Laboratory.
Sa isang panayam kahapon kay P/Chief Supt. Samuel Pagdilao, hepe ng PNP-CIDG, nang dalawin nito si Pilapil sa The Medical City sa Pasig City, sinabi nito na hanggang sa ngayon ay wala pang linaw ang kaso ng aktres at hindi pa rin matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.
“Tatlong anggulo ang tinitingnan namin sa krimen na kinabibilangan ng mga robbery, dahil may mga gamit na ninakaw; kidnapping, dahil hindi pa nakikita ang kasama ni Ms. Pilapil at carjacking, dahil may sasakyan ding sangkot,” ani Pagdilao.
Nabatid naman na out-of-danger na si Pilapil at direkta na nila itong nakausap at nakapagbigay na rin ng ilang detalye hinggil sa tunay na naganap sa kaniya.
Sa kanyang salaysay sa pulisya, sinabi ni Pilapil na bago naganap ang insidente ay sinundo siya ng kanyang pamangkin na si Rossel Rosalem Penas, sa isang mall dakong alas-7 ng gabi.
Dumiretso umano sina Pilapil at Rossel sa Marikina City, sakay ng isang Kia Sedan, na bago at wala pang plaka.
Habang mabagal umanong bumibiyahe ang dalawa sa tapat ng Marikina Riverbanks ay dalawang ’di kilalang lalaki na armado ng patalim at ice pick ang biglang tumakbo palapit sa kanilang sasakyan.
Nagawa umanong makasakay ng mga ito sa likuran ng sasakyan dahil hindi naka-lock ang pintuan.
Dito ay bigla na umanong hinila ng mga suspek si Pilapil patungo sa backseat at saka pinagsasaksak.
Pinagmaneho umano ng mga suspek si Rossel sa isang ’di maalalang lugar ni Pilapil, bago siya tuluyang itinapon sa isang madilim na lugar sa Antipolo City.
Bigo naman si Pilapil na makilala ang mga suspek, ngunit nagawa umano nitong mailarawan ang taong sumaksak sa kanya na nasa 25-30 anyos, may taas na 5 talampakan, may kalakihan ang katawan, kayumanggi at nakasuot ng polo shirt at dark pants.
Ayon sa report, ang tinangay na sasakyan ay hindi umano pagmamay-ari ni Pilapil at bineberipika na nila ang impormasyon na pag-aari ito ng isang kompanya.
Inaasahan na ring makapagpapalabas na ng cartographic sketch ng suspek ang pulisya matapos nilang makausap ang aktres.